Edukasyon sa Kalagitnaan ng Pandemya
Ang pag-aaral ang isa sa pinaka naapektuhan ng pandemya. Lahat ng estudyante ay nangamba dahil sa makabagong paraan ng pag-aaral. Noong una ay maraming nagalit dahil alam nilang hindi ito magiging epektibo lalo sa mga mag-aaral na nasa mababang baitang pa. Ang iba naman ay sumasang-ayon sa desisyong ipagpapatuloy pa rin ang pag-aaral. Kung iisipin ang pag-aaral ngayong pandemya ay naging malaking epekto sa ating sarili, pamilya, komunidad, bansa at daigdig.
Sa aking palagay, sobrang nakaapekto ang pag-aaral sa aking sarili. Sa mga unang buwan ng aking pag-aaral ay naging mahirap para sa’kin dahil naninibago pa lamang ako. Sa mga sumunod na buwan naman ay unti-unti na akong nasanay dahil napansin kong wala naman masyadong pinagkaiba kapag nakikinig ako sa school at sa harap ng laptop. Ngayon naman na nakalipas na ang ilang buwan ay mas naging mahirap na para sakin dahil naapektuhan na ang aking mental na kalusugan. May mga araw na naranasan kong umiyak dahil sa pag-aaral na dati ay hindi ko naman naranasan.
Sinuportahan ako ng aking pamilya sa aking desisyon na mag-aral kahit na may pandemya. Humanap sila agad ng paraan upang mabayaran ang gastos sa aking pag-aaral. Nanibago rin sila sa makabagong paraan ng aking pag-aaral pero kapag alam nilang ako ay nasa kalagitnaan ng pag-aaral ay sinusubukan nila na hindi ako guluhin.
Base sa aking mga nababasang komento at napapakinggan sa balita ay alam ko na marami ang nahihirapan na matututo ngayon dito sa ating komunidad at bansa. Hindi kasi lahat ng tao ay madali umintindi ng mga aralin kaya marami ang nagrereklamo ukol rito. Marami din akong nababalitaan na sumusuko dahil bukod sa nahihirapan silang matuto ay wala na silang pang-gastos sa mga bayarin katulad ng wifi o kaya naman ay load.
Ang buong daigdig ay may sari-sariling paraan upang matugunan pa rin ang pag-aaral kahit may pandemya na. Ang karamihan ay “online class” ang napiling paraan at ang iba naman ay may “face to face classes” na nangyayari lamang sa mga bansa na kakaunti ang kaso ng COVID-19.
Para sa akin ay ayos lamang na ipagpatuloy pa rin ang pag-aaral kahit na may pandemya. Sayang ang mga araw kung pagpapalipas natin ang pag-aaral pero dapat pa rin nating intindihin ang lahat ng estudyante at guro. Ang mga guro ay dapat dumalo sa training o seminar upang mas lalong maging epektibo ang kanilang pagtuturo. Dapat rin na hindi magalit ang mga estudyante sa kanila dahil napakahirap din namang magturo. Sa mga gustong maging estudyante naman na hindi pinalad ay naisip ko na dapat magkaroon ng pondo para sa mga ito at maaaring bigyan sila ng mga simpleng aralin. Sa mga estudyante naman ngayon ay sana bigyan sila ng pagkakataon na magpahinga dahil minsan ang nangyayari ay dahil sa napaka daming pinapagawa ay hindi na iniisip ng estudyante ang magpahinga kaya nagdudulot ito ng masama sa ating kalusugan.
*mga larawan mula sa Philstar*
Isinumite ni:
Quiel Cyren Dimaano
17 na taong gulang
qdimaano@sjs.ph.education
St. Joseph School
Philippines
Comments
Post a Comment